Friday, April 25, 2008

Darating ako tulad sa isang magnanakaw

mula sa panulat ni Amadeus Osirab

Araw ng miyerkules nang maisipan ng tatlong magkakaibigang sina Elroy, Duck, at Perd na pumasok sa simbahan. Si Perd ang nagyaya sa dalawa niyang kaibigan na tumuloy sa simbahan para manalangin, malapit na kasi ang kanyang eksam sa Nursing Board. Kaunti lang ang taong nasa loob ng simbahan sapagkat wala naman palang paring magmimisa. Alas dos katorse nagsimulang manalangin si Perd habang ang nasa kaliwa niyang si Duck naman ay ipinikit ang mata at mistulang nananalangin na din. Nasa kaliwa naman ni Duck si Elroy at dahil hindi naman talaga panatikong tao si Elroy at bihirang bihira magsimba at madalas naglalaro lang ng Ragnarok, ay nagmamasid lang siya sa mga taong taimtim na nananalangin. Doon sila naupo malapit sa pinto ng simbahan.

Nabingwit ang attensyon ni Elroy nang biglang may pumasok na batang pulubi sa loob ng simbahan at kinalabit nito ang lalaking taimtim na nananalangin malapit sa altar. Hindi nito pinansin ang bata at patuloy lang ito sa pananalangin. Kinalabit ulit siya ng bata at tinaboy siya ng lalaki na para bang may nakakahawang sakit ang bata.

Patuloy lang si Elroy sa pagmamasid..

Umalis ang bata at naghanap na lang ng ibang taong kakalabitin. Nakita ng bata ang isang babae na taimtim ding nananalangin. Palapit pa lang ang bata sa babae nang tumayo ang babae at lumipat ng puwesto at halatang halata na naiinis ito. Marahil ayaw lang siyang maistorbo ng batang pulubi. Naghanap ulit ang bata ng ibang makakalabit. Nakita niya ang isang lalaki na bakas sa mukha ang karangyaan. Nakapikit ang mga mata nito at tila maraming hinihiling sa Diyos. Lumapit dito ang bata at dahil sa nakapikit ang mga mata nito, hindi napansin ng lalaki na meron na siyang katabing batang pulubi na hihingi sa kanya ng limos. Kinalabit ng bata ang lalaki. Galit na lumingon ang lalaki at mahinang naitulak pa nito ang bata. Diring diri ang lalaki sa bata. Palibhasa punit punit ang damit nito, marumi ang katawan, at hindi na rin siguro kaaya-aya ang amoy. Walang magawa ang bata. Umalis na lang ito at naglakad lakad na lang sa loob ng simbahan.

Patuloy lang si Elroy sa pagmamasid..

Hanggang sa kalabitin ng bata si Perd. Tutok pa rin ang atensiyon ni Elroy sa bata. Naistorbo si Perd sa kanyang pagdadasal. Umiling ang ulo nito at para bang nawala ang pokus niya sa pagdarasal. Aalis na sana ang bata ng biglang inaya ni Elroy ang bata na lumapit sa kanya. Bumunot si Elroy ng barya sa kanyang bulsa at inabot ito sa batang pulubi. Isang payak na ngiti lang ang iginanti nito kay Elroy.

Huminga ng malalim si Elroy, at doon siya nagsimulang manalangin.

2 comments:

dex said...

Mahusay! :-)

Anonymous said...

magaling magaling magaling! maraming tinamaan...