mula sa panulat ni Amadeus Osirab Gabing gabi na nang dumating sa bahay si Karding. Galing siya sa bahay ng kanyang kaibigan sa lasingan. Pero hindi mo na man maalis sa kanya ang palagiang maglibang at magliwaliw sa pamamaraan ng alak sapagkat bawat araw niya ay puno ng kapaguran. Kapaguran sa katawan at kapaguran sa isip. Marami siyang kailangang suportahan. Andiyan ang sakitin niyang asawa na limang taon ng walang trabaho. Yung kapatid niyang babae, nabuntis at iniwan ng lalaki. Dalawang buwan na lang ang hinihintay at manganganak na ito. Meron sana siyang nanay na dati ay nag-oopisina, kaya lang nagsara ang kompanya kaya sa bahay na lang ito at nagbabantay sa maliit na tindahan. Ang tatay naman niya kung wala sa sabungan nasa putahan. Minsan na silang nag-away tungkol dito pero sinagot lang siya nito nang “Putang ina mo! pinagtapos kita ng pag-aaral yan pa ang igaganti mo!” Kaya hayun, walang makapigil sa tatay niya. Minsan inisip ni Karding na kung merong isang mamatay, sino kaya sa kanila ang pipiliin niya? Hanggang sa bigla na lang pumasok sa kanyang isip na mas maigi siguro kung siya na lang ang mamatay. Pero hindi pala pwede kasi kahit mababa lang ang sahod niya sa pinapasukang pabrika, nagagawa niya itong mapagkasya upang mabilhan ng murang gamot ang kanyang sakiting asawa, at kahit papaano ay natutulungan din niya ang nag-iisa niyang kapatid na ngayon nga ay buntis.
Pero gabing-gabi na, kailangan na niyang matulog. Marahil napasobra ng konti ang kanyang amats kaya siguro siya tinamaan ng antok. Hindi sila pwedeng magtabi ng kanyang asawang may TB dahil napagkasunduan nilang mag-asawa na mas mabuti na rin ang ganun para hindi siya nito mahawaan. Sa sofa lang si Karding natutulog. Malungkot si Karding. Kapag pinagmasdan mo ang kanyang mga mata parang may maaaninag kang kakulangan at alinlangan sa kanyang buhay. Alam niyang hindi niya mapipigilan ang bukas. Ilang oras na lang, sisinag na naman ang liwanag ng bukas. Panibagong araw, lumang sistema. Dating gawain. Ang lahat ng yan ay nasa isip at damdamin ni Karding.
Alas sais ng umaga ng magising si Karding. Nabulabog siya sa ingay na dulot ng mga taong dumadaan sa labas ng kanilang maliit na bahay. Dumiretso siya sa lababo upang maghilamos. Pagkatapos nakangiting binigyan siya ng tuwalya ng buntis niyang kapatid. Habang papunta siya sa mesa ng hapag kainan, nagulat siya dahil ang kanyang asawa ay merong hinaing almusal. Alam niyang hindi naman nito dating ginagawa ang katulad nito dahil madalas ay nasa kawarto lang ito at nakahiga. Paminsan-minsan naman ay nanonod din ng telebisyon, at naghuhugas ng mga pinagkainan. Pero dahil sa sobrang kapayatan dala ng kanyang sakit, hindi ito pinapayagan ni Karding na magpagod bagkus, pinagpapahinga na lamang ito. Nakangiting tinanong pa siya ng kanyang asawa kung gusto niyang magkape habang aktong naglalagay na nga ng mainit na tubig sa tasa. Tumango lang si Karding. Nagtataka siya. Pero bakas sa kanyang mukha ang inis na tila ba may gustong itanong. Kumuha si Karding ng isang stik na sigarilyo at sinindihan ito. Pagkatapos ay dumiretso sa banyo, naligo at nagbihis sa kwarto. Pagbukas niya ng pinto, laking gulat nito ng salubungin siya ng ina at binigyan siya ng baon. Tuwang tuwa ang nanay niya habang inaabot nito ang nakabalot na kanin, pritong bangus, at saging. “Ubusin mo yan ah para hindi ka magutom sa iyong trabaho.”, wika pa nito. “Bakit?”, yun ang sagot ng kanyang isip. Nagtataka si Karding dahil sa kakaibang araw na yun. Biglaang pagbabago ng mga taong nakapalibot sa kanya. “Sana si tatay nagbago na rin.” palihim na sabi ni Karding sa kanyang sarili. Naisip niya tuloy na dumaan sa bahay ng kanyang tatay. Pero bago pa niya ito magawa ay nakita na niya itong kinakausap ang buntis niyang kapatid sa kanilang bakuran at kitang-kita niya na ito’y nakangiti at tumatawa. Ang tatay niya ay laging balisa at galit, pero sa pagkakataong ito, ibang-iba ang bakas ng mukha ng kanyang tatay. Nakita siya nito, at kinawayan siya. “Aalis na ho ako!” Pasigaw na sabi ni Karding habang nakasimangot. “Ingat ka Karding!” pasigaw na sagot naman ng tatay niya. Habang nakatayo si Karding sa labasan at naghihintay ng dyip na masasakyan papunta sa pabrikang kanyang pinapasukan, hindi humihinto sa paglalaro ang kanyang utak. “Ano ba ang nangyayari ngayon at lahat ng tao sa palibot ko ay nakangiti sa akin?” Pabulong na naisambit ni Karding sa kanyang sarili. “Baka huling araw ko na ito… baka mga senyales ito na… hindi… ayoko… putang ina… may mangyayari ba sa akin?... hindi pwede. Hindi pa ako pwedeng mamatay.” sunod sunod na bulong ni Karding sa kanyang sarili. Ilang minuto pa ang lumipas at “HINDIIIIII!” AYOKOOOO!” biglang napasigaw si Karding.
Dahil sa ang akala ni Karding ay mamatay siya sa araw na yun, napagdesisyunan niyang wag na lang pumasok sa trabaho at palipasin na lang ang buong araw na yaon sa kanilang bahay. Mabilis na naglakad sa Karding pabalik ng kanilang bahay. Sobrang maingat siya sa bawat hakbang niya. Ang mga taong nakakasalubong niya ay tinatawag ang pangalan niya at nakangiti ang mga ito sa kanya. “Nababaliw na yata ako! Nababaliw lang ata ako!” wika ni Karding sa kanyang sarili. Balisang-balisa si Karding. Hindi siya mapakali. Malapit na siya sa kanilang bahay. Huminto siyang bigla. Tumigil muna siya sa pagkilos. Meron siyang naririnig na kakaiba habang mahinahon niyang binuksan ang pinto. Nakikiramdam siya. Alam niya na ang kakaibang ingay ay nanggagaling sa kwarto ng kanyang buntis na kapatid. Sigurado siya sa kanyang sarili na wala kahit isa sa kanyang mga kasambahay ang nakakaalam na siya ay bumalik. Bukas ang pinto ng kwarto ng kanyang kapatid. Pumasok siya sa loob at inilapat niya ang kaliwang palad niya sa balikat ng kanyang kapatid at ang kanan niyang palad naman ay inilapat niya sa balikat ng kanyang nanay.
Wala na ang kanyang asawa. Patay na.
No comments:
Post a Comment