Friday, April 25, 2008
Darating ako tulad sa isang magnanakaw
Araw ng miyerkules nang maisipan ng tatlong magkakaibigang sina Elroy, Duck, at Perd na pumasok sa simbahan. Si Perd ang nagyaya sa dalawa niyang kaibigan na tumuloy sa simbahan para manalangin, malapit na kasi ang kanyang eksam sa Nursing Board. Kaunti lang ang taong nasa loob ng simbahan sapagkat wala naman palang paring magmimisa. Alas dos katorse nagsimulang manalangin si Perd habang ang nasa kaliwa niyang si Duck naman ay ipinikit ang mata at mistulang nananalangin na din. Nasa kaliwa naman ni Duck si Elroy at dahil hindi naman talaga panatikong tao si Elroy at bihirang bihira magsimba at madalas naglalaro lang ng Ragnarok, ay nagmamasid lang siya sa mga taong taimtim na nananalangin. Doon sila naupo malapit sa pinto ng simbahan.
Nabingwit ang attensyon ni Elroy nang biglang may pumasok na batang pulubi sa loob ng simbahan at kinalabit nito ang lalaking taimtim na nananalangin malapit sa altar. Hindi nito pinansin ang bata at patuloy lang ito sa pananalangin. Kinalabit ulit siya ng bata at tinaboy siya ng lalaki na para bang may nakakahawang sakit ang bata.
Patuloy lang si Elroy sa pagmamasid..
Umalis ang bata at naghanap na lang ng ibang taong kakalabitin. Nakita ng bata ang isang babae na taimtim ding nananalangin. Palapit pa lang ang bata sa babae nang tumayo ang babae at lumipat ng puwesto at halatang halata na naiinis ito. Marahil ayaw lang siyang maistorbo ng batang pulubi. Naghanap ulit ang bata ng ibang makakalabit. Nakita niya ang isang lalaki na bakas sa mukha ang karangyaan. Nakapikit ang mga mata nito at tila maraming hinihiling sa Diyos. Lumapit dito ang bata at dahil sa nakapikit ang mga mata nito, hindi napansin ng lalaki na meron na siyang katabing batang pulubi na hihingi sa kanya ng limos. Kinalabit ng bata ang lalaki. Galit na lumingon ang lalaki at mahinang naitulak pa nito ang bata. Diring diri ang lalaki sa bata. Palibhasa punit punit ang damit nito, marumi ang katawan, at hindi na rin siguro kaaya-aya ang amoy. Walang magawa ang bata. Umalis na lang ito at naglakad lakad na lang sa loob ng simbahan.
Patuloy lang si Elroy sa pagmamasid..
Hanggang sa kalabitin ng bata si Perd. Tutok pa rin ang atensiyon ni Elroy sa bata. Naistorbo si Perd sa kanyang pagdadasal. Umiling ang ulo nito at para bang nawala ang pokus niya sa pagdarasal. Aalis na sana ang bata ng biglang inaya ni Elroy ang bata na lumapit sa kanya. Bumunot si Elroy ng barya sa kanyang bulsa at inabot ito sa batang pulubi. Isang payak na ngiti lang ang iginanti nito kay Elroy.
Huminga ng malalim si Elroy, at doon siya nagsimulang manalangin.
Monday, April 21, 2008
Isang umaga sa buhay ni Karding
Gabing gabi na nang dumating sa bahay si Karding. Galing siya sa bahay ng kanyang kaibigan sa lasingan. Pero hindi mo na man maalis sa kanya ang palagiang maglibang at magliwaliw sa pamamaraan ng alak sapagkat bawat araw niya ay puno ng kapaguran. Kapaguran sa katawan at kapaguran sa isip. Marami siyang kailangang suportahan. Andiyan ang sakitin niyang asawa na limang taon ng walang trabaho. Yung kapatid niyang babae, nabuntis at iniwan ng lalaki. Dalawang buwan na lang ang hinihintay at manganganak na ito. Meron
Pero gabing-gabi na, kailangan na niyang matulog. Marahil napasobra ng konti ang kanyang amats kaya siguro siya tinamaan ng antok. Hindi sila pwedeng magtabi ng kanyang asawang may TB dahil napagkasunduan nilang mag-asawa na mas mabuti na rin ang ganun para hindi siya nito mahawaan. Sa sofa lang si Karding natutulog. Malungkot si Karding. Kapag pinagmasdan mo ang kanyang mga mata parang may maaaninag kang kakulangan at alinlangan sa kanyang buhay. Alam niyang hindi niya mapipigilan ang bukas. Ilang oras na lang, sisinag na naman ang liwanag ng bukas. Panibagong araw, lumang sistema. Dating gawain. Ang lahat ng yan ay nasa isip at damdamin ni Karding.
Alas
Dahil sa ang akala ni Karding ay mamatay siya sa araw na yun, napagdesisyunan niyang wag na lang pumasok sa trabaho at palipasin na lang ang buong araw na yaon sa kanilang bahay. Mabilis na naglakad sa Karding pabalik ng kanilang bahay. Sobrang maingat siya sa bawat hakbang niya. Ang mga taong nakakasalubong niya ay tinatawag ang pangalan niya at nakangiti ang mga ito sa kanya. “Nababaliw na yata ako! Nababaliw lang ata ako!” wika ni Karding sa kanyang sarili. Balisang-balisa si Karding. Hindi siya mapakali. Malapit na siya sa kanilang bahay. Huminto siyang bigla. Tumigil muna siya sa pagkilos. Meron siyang naririnig na kakaiba habang mahinahon niyang binuksan ang pinto. Nakikiramdam siya. Alam niya na ang kakaibang ingay ay nanggagaling sa kwarto ng kanyang buntis na kapatid. Sigurado siya sa kanyang sarili na wala kahit isa sa kanyang mga kasambahay ang nakakaalam na siya ay bumalik. Bukas ang pinto ng kwarto ng kanyang kapatid. Pumasok siya sa loob at inilapat niya ang kaliwang palad niya sa balikat ng kanyang kapatid at ang kanan niyang palad naman ay inilapat niya sa balikat ng kanyang nanay.
Wala na ang kanyang asawa. Patay na.