Tuesday, June 17, 2008

biyayang ulan

nakakatuwa talagang isipin... akalain mo, dalawang araw lang natapos ko kaagad basahin ang libro ni bob ong na pinamagatan niyang "ang paboritong libro ni hudas"... kaya naman lubos akong nagpasalamat ki jane dahil sa pagpapahiram niya sa akin ng librong iyon. ayus din at nakakatuwang basahin... siguro matutuwa si marvin agustin kasi ginawa siyang presidente ng pilipinas ni bob ong sa libro niyang yun.
matagal-tagal na akong hindi nakakapag-post dito sa blogspot na 'to sa kadahilanang hindi ko lubos maisip kung bakit? siguro talagang tinatamad na talaga ako... o di kaya naman, wala lang talaga akong maisip.
nung una akong nag post dito, akala ko ang mailalagay ko lang ay puro mga kwento na hango sa kaibuturan nag aking pag-uutak. pero dahil na rin sa talagang tigang na ako sa kaka-imagine ng kwento, (na hindi ko naman siguradao kung may magbabasa nga...) eto' at nagsulat na lang ako ng kahit ano, kasi wala din namang akong maisip na artikulo tingkol sa mga bagay na sobrang malayo sa interes ng aking puso at utak...
ngayon, ewan ko, pero para bang pakiramdam ko ata, eh malapit na akong umalis.. para bang nagbibilang na ako ng mga araw ... yun bang parang may hinihintay ka... pero hindi si kamatayan ah... challenge kumbaga, ika nga...
magkahalong kaba, saya, konting takot at lungkot ang nararamdaman ko ngayon.. pero dibale, iisipin ko na lang na kahit anong mangyari, eh patuloy lang tayo... sa pagsaliw sa musika ng buhay.
isang linggo na nung huli kong maka-usap ang isa sa kaibigan kong apat na taon ko ng hindi nakikita. mabuti na lang dahil pareho kaming marunong gumamit ng internet kaya hayun, nakapag-chat kami... una, hindi ko na alam kung paano siya batiin... pero akalain mo, bigla siyang parang anghel na nahulog sa langit at sukuban ako ng biyaya, dahil isasama niya daw ako sa lugar kung saan siya nagtatrabaho... kita mo na? malaki daw ang sahod, at malayong malayo sa kinikita ko dito.. at marami pa siyang dahilan... (hindi ko na matandaan yung iba, kaya pasensiya na)
kaya siguro, hindi mo rin ako masisisi kung bakit ko nararamdaman ngayon na malapit na akong umalis...
natutunan ko na sanang mahalin ang kinalalagyan ko ngayon... unang-una, sarap ng buhay dito kasi nandito lang ang aking mga kabarkada na kahit anong oras mong yayaing maglasing e talaga namang hindi ka uurungan, pangalawa siyempre, dito ang mga magulang ko.. mamimiss ko talaga sila pag nasa malayo na ako... at. at. at. at. at. ang aking labidabs ay nandidito rin... at mamimiss ako nun, sigurado...
pero, di ba.. kailangan talagang magdesisyon eh.
kaya, yaan nyo na ako.
baka sa susunod na buwan, e dito pa rin na man ako.
hintayin na lang natin ang bawat umaga..
namnamin na lang natin ang ulan.. isipin na lang natin na biyaya ang bawat patak ng ulang yan.

Monday, May 12, 2008

Nagpahinga ang Kalsada








Malungkot ang kalsada... nung mag Strike nung ika dose ng Mayo.

Friday, April 25, 2008

Darating ako tulad sa isang magnanakaw

mula sa panulat ni Amadeus Osirab

Araw ng miyerkules nang maisipan ng tatlong magkakaibigang sina Elroy, Duck, at Perd na pumasok sa simbahan. Si Perd ang nagyaya sa dalawa niyang kaibigan na tumuloy sa simbahan para manalangin, malapit na kasi ang kanyang eksam sa Nursing Board. Kaunti lang ang taong nasa loob ng simbahan sapagkat wala naman palang paring magmimisa. Alas dos katorse nagsimulang manalangin si Perd habang ang nasa kaliwa niyang si Duck naman ay ipinikit ang mata at mistulang nananalangin na din. Nasa kaliwa naman ni Duck si Elroy at dahil hindi naman talaga panatikong tao si Elroy at bihirang bihira magsimba at madalas naglalaro lang ng Ragnarok, ay nagmamasid lang siya sa mga taong taimtim na nananalangin. Doon sila naupo malapit sa pinto ng simbahan.

Nabingwit ang attensyon ni Elroy nang biglang may pumasok na batang pulubi sa loob ng simbahan at kinalabit nito ang lalaking taimtim na nananalangin malapit sa altar. Hindi nito pinansin ang bata at patuloy lang ito sa pananalangin. Kinalabit ulit siya ng bata at tinaboy siya ng lalaki na para bang may nakakahawang sakit ang bata.

Patuloy lang si Elroy sa pagmamasid..

Umalis ang bata at naghanap na lang ng ibang taong kakalabitin. Nakita ng bata ang isang babae na taimtim ding nananalangin. Palapit pa lang ang bata sa babae nang tumayo ang babae at lumipat ng puwesto at halatang halata na naiinis ito. Marahil ayaw lang siyang maistorbo ng batang pulubi. Naghanap ulit ang bata ng ibang makakalabit. Nakita niya ang isang lalaki na bakas sa mukha ang karangyaan. Nakapikit ang mga mata nito at tila maraming hinihiling sa Diyos. Lumapit dito ang bata at dahil sa nakapikit ang mga mata nito, hindi napansin ng lalaki na meron na siyang katabing batang pulubi na hihingi sa kanya ng limos. Kinalabit ng bata ang lalaki. Galit na lumingon ang lalaki at mahinang naitulak pa nito ang bata. Diring diri ang lalaki sa bata. Palibhasa punit punit ang damit nito, marumi ang katawan, at hindi na rin siguro kaaya-aya ang amoy. Walang magawa ang bata. Umalis na lang ito at naglakad lakad na lang sa loob ng simbahan.

Patuloy lang si Elroy sa pagmamasid..

Hanggang sa kalabitin ng bata si Perd. Tutok pa rin ang atensiyon ni Elroy sa bata. Naistorbo si Perd sa kanyang pagdadasal. Umiling ang ulo nito at para bang nawala ang pokus niya sa pagdarasal. Aalis na sana ang bata ng biglang inaya ni Elroy ang bata na lumapit sa kanya. Bumunot si Elroy ng barya sa kanyang bulsa at inabot ito sa batang pulubi. Isang payak na ngiti lang ang iginanti nito kay Elroy.

Huminga ng malalim si Elroy, at doon siya nagsimulang manalangin.

Monday, April 21, 2008

Isang umaga sa buhay ni Karding

mula sa panulat ni Amadeus Osirab

Gabing gabi na nang dumating sa bahay si Karding. Galing siya sa bahay ng kanyang kaibigan sa lasingan. Pero hindi mo na man maalis sa kanya ang palagiang maglibang at magliwaliw sa pamamaraan ng alak sapagkat bawat araw niya ay puno ng kapaguran. Kapaguran sa katawan at kapaguran sa isip. Marami siyang kailangang suportahan. Andiyan ang sakitin niyang asawa na limang taon ng walang trabaho. Yung kapatid niyang babae, nabuntis at iniwan ng lalaki. Dalawang buwan na lang ang hinihintay at manganganak na ito. Meron sana siyang nanay na dati ay nag-oopisina, kaya lang nagsara ang kompanya kaya sa bahay na lang ito at nagbabantay sa maliit na tindahan. Ang tatay naman niya kung wala sa sabungan nasa putahan. Minsan na silang nag-away tungkol dito pero sinagot lang siya nito nang “Putang ina mo! pinagtapos kita ng pag-aaral yan pa ang igaganti mo!” Kaya hayun, walang makapigil sa tatay niya. Minsan inisip ni Karding na kung merong isang mamatay, sino kaya sa kanila ang pipiliin niya? Hanggang sa bigla na lang pumasok sa kanyang isip na mas maigi siguro kung siya na lang ang mamatay. Pero hindi pala pwede kasi kahit mababa lang ang sahod niya sa pinapasukang pabrika, nagagawa niya itong mapagkasya upang mabilhan ng murang gamot ang kanyang sakiting asawa, at kahit papaano ay natutulungan din niya ang nag-iisa niyang kapatid na ngayon nga ay buntis.

Pero gabing-gabi na, kailangan na niyang matulog. Marahil napasobra ng konti ang kanyang amats kaya siguro siya tinamaan ng antok. Hindi sila pwedeng magtabi ng kanyang asawang may TB dahil napagkasunduan nilang mag-asawa na mas mabuti na rin ang ganun para hindi siya nito mahawaan. Sa sofa lang si Karding natutulog. Malungkot si Karding. Kapag pinagmasdan mo ang kanyang mga mata parang may maaaninag kang kakulangan at alinlangan sa kanyang buhay. Alam niyang hindi niya mapipigilan ang bukas. Ilang oras na lang, sisinag na naman ang liwanag ng bukas. Panibagong araw, lumang sistema. Dating gawain. Ang lahat ng yan ay nasa isip at damdamin ni Karding.

Alas sais ng umaga ng magising si Karding. Nabulabog siya sa ingay na dulot ng mga taong dumadaan sa labas ng kanilang maliit na bahay. Dumiretso siya sa lababo upang maghilamos. Pagkatapos nakangiting binigyan siya ng tuwalya ng buntis niyang kapatid. Habang papunta siya sa mesa ng hapag kainan, nagulat siya dahil ang kanyang asawa ay merong hinaing almusal. Alam niyang hindi naman nito dating ginagawa ang katulad nito dahil madalas ay nasa kawarto lang ito at nakahiga. Paminsan-minsan naman ay nanonod din ng telebisyon, at naghuhugas ng mga pinagkainan. Pero dahil sa sobrang kapayatan dala ng kanyang sakit, hindi ito pinapayagan ni Karding na magpagod bagkus, pinagpapahinga na lamang ito. Nakangiting tinanong pa siya ng kanyang asawa kung gusto niyang magkape habang aktong naglalagay na nga ng mainit na tubig sa tasa. Tumango lang si Karding. Nagtataka siya. Pero bakas sa kanyang mukha ang inis na tila ba may gustong itanong. Kumuha si Karding ng isang stik na sigarilyo at sinindihan ito. Pagkatapos ay dumiretso sa banyo, naligo at nagbihis sa kwarto. Pagbukas niya ng pinto, laking gulat nito ng salubungin siya ng ina at binigyan siya ng baon. Tuwang tuwa ang nanay niya habang inaabot nito ang nakabalot na kanin, pritong bangus, at saging. “Ubusin mo yan ah para hindi ka magutom sa iyong trabaho.”, wika pa nito. “Bakit?”, yun ang sagot ng kanyang isip. Nagtataka si Karding dahil sa kakaibang araw na yun. Biglaang pagbabago ng mga taong nakapalibot sa kanya. “Sana si tatay nagbago na rin.” palihim na sabi ni Karding sa kanyang sarili. Naisip niya tuloy na dumaan sa bahay ng kanyang tatay. Pero bago pa niya ito magawa ay nakita na niya itong kinakausap ang buntis niyang kapatid sa kanilang bakuran at kitang-kita niya na ito’y nakangiti at tumatawa. Ang tatay niya ay laging balisa at galit, pero sa pagkakataong ito, ibang-iba ang bakas ng mukha ng kanyang tatay. Nakita siya nito, at kinawayan siya. “Aalis na ho ako!” Pasigaw na sabi ni Karding habang nakasimangot. “Ingat ka Karding!” pasigaw na sagot naman ng tatay niya. Habang nakatayo si Karding sa labasan at naghihintay ng dyip na masasakyan papunta sa pabrikang kanyang pinapasukan, hindi humihinto sa paglalaro ang kanyang utak. “Ano ba ang nangyayari ngayon at lahat ng tao sa palibot ko ay nakangiti sa akin?” Pabulong na naisambit ni Karding sa kanyang sarili. “Baka huling araw ko na ito… baka mga senyales ito na… hindi… ayoko… putang ina… may mangyayari ba sa akin?... hindi pwede. Hindi pa ako pwedeng mamatay.” sunod sunod na bulong ni Karding sa kanyang sarili. Ilang minuto pa ang lumipas at “HINDIIIIII!” AYOKOOOO!” biglang napasigaw si Karding.

Dahil sa ang akala ni Karding ay mamatay siya sa araw na yun, napagdesisyunan niyang wag na lang pumasok sa trabaho at palipasin na lang ang buong araw na yaon sa kanilang bahay. Mabilis na naglakad sa Karding pabalik ng kanilang bahay. Sobrang maingat siya sa bawat hakbang niya. Ang mga taong nakakasalubong niya ay tinatawag ang pangalan niya at nakangiti ang mga ito sa kanya. “Nababaliw na yata ako! Nababaliw lang ata ako!” wika ni Karding sa kanyang sarili. Balisang-balisa si Karding. Hindi siya mapakali. Malapit na siya sa kanilang bahay. Huminto siyang bigla. Tumigil muna siya sa pagkilos. Meron siyang naririnig na kakaiba habang mahinahon niyang binuksan ang pinto. Nakikiramdam siya. Alam niya na ang kakaibang ingay ay nanggagaling sa kwarto ng kanyang buntis na kapatid. Sigurado siya sa kanyang sarili na wala kahit isa sa kanyang mga kasambahay ang nakakaalam na siya ay bumalik. Bukas ang pinto ng kwarto ng kanyang kapatid. Pumasok siya sa loob at inilapat niya ang kaliwang palad niya sa balikat ng kanyang kapatid at ang kanan niyang palad naman ay inilapat niya sa balikat ng kanyang nanay.

Wala na ang kanyang asawa. Patay na.